Sa bawat alimpuyo ng iyong hanging walang patid
Marami sa aming humiyaw at nanangis
Ang bawat puso'y umapaw sa hinagpis
Binura mo ang kagandahang taglay ng paligid
Napaglaho mo ang ligaya at saya sa aming dibdib
Sa mga pighating sa amin ay sumapit
Nasaan ang araw, may pag-asa pa kayang sisilip sa isang unos na kay lupit
Mga puno'y iyong mabilis na ibinuwal, mga ugat ay iyong hinugot
Mga lupang sa putik ay nalunod
Kasama ng mga halamang karamihan ay nabunot
Kailan kaya mapapawi ang dala nitong lungkot?
Mga istrukturang nasira, mga bahay halos lahat ay nagiba
Mga pananim na nawasak at pangarap na naglahong parang bula
Mga taong nasaktan at mga buhay na nawala
Nagdurugo ang aming puso, bumabalong na ang luha
Itong munting paru-paro ay sumisimbolo sa patuloy na paglalakbay
Nagpupumilit makamtan ang pag-alpas sa pagsubok ng buhay
Kanyang patuloy na liliparin ang malawak na papawirin
Ikinakampay ang pakpak upang pag-asa'y marating
Munting paru-paro'y simbolo ng pag-asa
Nadadamitan ng tatlong kulay dilaw, asul, at pula
Mga kulay na sumisimbolo sa ating bansang sinisinta
At patuloy na lilipad at muling umaasa
Oh Yolanda, matapos ang iyong daluyong at haplit
Sa paghupa ng iyong hampas, alimpuyo, at galit
Salamat kay Ama, sa kabila ng pinsala at pait
Ang ngiti ay sisibol, titindi pa rin ang pagkapit
Buong Pilipinas, patuloy na babangon
Upang harapin ang kahit anong hamon ng panahon
Kahit saang dako, Mindanao man, Visayas, o Luzon
Perlas ng Silangan, sa kahit anong bagyo ay hindi uurong